BAGO pa man sumulpot ang lintek na pandemya, hindi ko na talaga peg ang maglamyerda kaya naman bihira akong lumabas ng aming tahanan.
Karaniwan akong nagtatrabaho sa isang payapang sulok ng bahay – kasama ang aking mga apo.
Pero nung minsan akong lumabas bunsod ng isang paanyaya, napadpad ang aking mga paa sa SM Mall of Asia. Wow… ang ganda. Ibang-iba sa aking nakasanayang paligid na payak at tahimik.
Habang hinihintay ang aking kausap, minabuti kong magkape sa nasabing lugar kasabay ng isang grupong tila pamilyar sa aking mga mata – uy, mga bigtime pala sa mundo ng negosyo. Palibhasa’y peryodista, bigla akong naging interesado sa paksang pinag-uusapan nila – mga reclamation project sa Manila Bay na higit na kilala sa nakabibighaning paglubog ng araw. Napaisip ako, hindi nga ba’t kamakailan lang ay nagbitiw si Atty. Siegfred Ramon Mison?
Sa pagbibitiw ng isang mahusay na abogado sa kumpanyang pag-aari ng isa sa mga pinakamayamang pamilya sa Pilipinas, pinili niyang bumalik na lamang sa pagtuturo ng abogasya sa Ateneo de Manila.
Hindi man aminin ng aking kaibigang si Roy Mabasa, alam kong basang-basa niya ang galaw ni Professor Mison.
Batid niya ang dahilan sa likod ng pagbibitiw ng mahusay na abogado sa pwestong de kampanilya sa SM Prime ng pamilya Sy.
Sa aking pakiwari, hindi na kinaya ng sikmura ni Atty. Mison ang sabwatan sa pagitan ng mga bilyonaryo sa likod ng SM Prime at mga kasapakat na hapit sa gobyerno.
Bukod sa pagiging de kampanilyang abogado, higit na kilala si Atty. Mison sa husay nito pagdating sa mga negosasyon – bagay na wari ko’y dahilan ng pamilya Sy sa pagkuha sa kanyang serbisyo.
Ang siste, ‘di yata alam ng bilyonaryong pamilyang Sy na higit na matimbang kay Mison ang bayan kesa bayad.
Tama ka Louie Logarta, anak ni dating heneral Salvador Mison ang mahusay na abogado.
Tulad ng kanyang ama, isa ring sundalo ang batang Mison, kaya naman hindi nakapagtatakang makitaan siya ng disiplina at pagiging makabayan.
Alam nila Armand Nocum, Joel Reyes Zobel at Marlon Purificacion na bukod sa pagiging sundalo, nanungkulan din ang batang Mison bilang Immigration Commissioner.
Sa pagbaba sa puwesto sa Bureau of Immigration, agad naman siyang kinuha ng Philippine Airlines bago pinirata ng SM Prime.
SM Prime ba kamo?
Aba, bigatin talaga, lalo pa’t sambit pa lang sa kumpanya, siguradong hindi papatol sa mga proyektong barya-barya. Tulad ng SM Prime, hindi rin naman magpapaiwan ang Ulticon Builders na pagmamay-ari ni Charlie Sebastian, isa sa mga masugid na taga-suporta ni Pangulong Duterte at Davao City Mayor Inday Duterte.
Buti na lang nga at bumitaw sa grupo ng Ulticon ang pangkat ni Dennis Uy na isa rin malapit kay Pangulong Duterte, di ba Ricky Alegre.
Ang SM Prime ay isa sa mga Anak ng Diyos na ginawaran ng permit para mag reclaim ng 360 ektaryang lupain sa Manila Bay.
Siyempre pa, kasama sa mga Anak ng Diyos ang Ulticon Builders na siyang binigyan rin ng permit para mag reclaim ng 265 ektaryang lupain.
Pending pa ang permit ng ibang reclamation projects sa Paranaque, Maynila at Navotas kaya bukod tanging SM Prime at Ulticon Builders pa lang ang pinapayagan ng Philippine Reclamation Authority at ng Office of the Executive Secretary.
Tuloy ba ang big ticket projects na ito Amor Virata? Napaka-swerte naman nila Mayor Emi Calixto-Rubiano at Congressman Tony Calixto.
Biruin ninyo nasa Pasay yung kaunaunahang reclamation projects na pinayagan ni Pangulong Duterte.
Sa kagustuhan kong maliwanagan sa nasabing usapin, sinubukan kong kontakin ang isa pang kaibigan — si Jun Burgos na tumatayong public information office chief ng Pasay City government.
Ang siste, hirap kontakin ni Bugoy – gayun din ang kasama nitong si Elmer Mesina. Sino kaya pwedeng makausap tungkol sa reclamation projects ng SM Prime at ng Ulticon Builders?
Susubukan kong mag stake out sa Ateneo de Manila para antabayanan si Professor Siegfred Mison o baka mas madali kung sasama ako kay Ely Saludar sa golf course para maka-ututan dila si Atty. Fred Mison.
Ang problema nga lang, baka may mga bagong isla na sa gitna ng Manila Bay bago ko pa mapiga ang tunay na kwento sa likod ng Manila Bay reclamation projects na una nang napabalitang hindi na kayang awatin hindi dahil sa malakas ang SM Prime at Ulticon sa Palasyo kundi dahil tapos na ang areglo.