WALANG dudang pasakit sa sambayanan ang walang humpay na pagsipa sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Ito rin ang dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ang nagkukumahog sa paghahanap ng murang alternatibo.
Ito rin marahil ang nagtulak sa marami sa atin para kagatin ang mababang presyong alok ng isang grocery store sa mga panindang kalaunan ay sakit lang pala sa ulo.
Wag na tayo magpaligoy-ligoy… Dali Everyday Grocery ang aking tinutukoy! Sa mga nakalipas na dalawang taon, mabilis na sumikat ang Dali Everyday Grocery.
Katunayan, trending pa rin hanggang ang naturang establisyemento. Dangan naman kasi, maraming nae-enggannyo sa binebentang produkto.
Pero teka. Kung susuriin maigi ng mga mamimili ang paninda ng Dai Everyday Grocery, parang may mali! Saan nga ba galing ang kanilang paninda? Anong kumpanya ang gumawa? Aprubado ba ng Food and Drugs Administration ang kanilang binabargain na karne, delata, sabon, suka, tinapay at iba pa?
Ang masaklap, tila pati label at pangalan ng binebentang produkto, halos kinopya lang sa mga lehitimong produkto sa merkado.
Sa hangad na mabigyan kasagutan ang mahabang talaan ng aking mga katanungan, minarapat kong maglakbay sa mundo ng social media.
Dito ko nakita ang samu’t-saring komento sa social media – may nakaka-alarma, may tila nagwawala dahil sa anila’y nasayang na pera at meron din naman nagsabing hindi na sila uulit pa. Ang Rajah Puro Vinegar ng Dali, na sa biglang tingin ay aakalain mo na suka ng Datu Puti. Sister company ba ng Datu Puti ang Rajah Puro?
Nariyan din ang kanilang Grandiosa loaf na malaki ang pagkakahawig sa packaging at font ng Gardenia loaf breads.
Nakakuha din ng atensyon itong Bakakult na tila kinopya sa nakagisnan kong Yakult. Pati ako napapaisip… isa lang ba ang manufacturer ng dalawang yan?
Saan nga ba galing ang mga binebenta ng Dali Everyday Grocery? May mga netizens na naniniwalang gawang China. Meron din nagsasabing gawang-Pinoy. Sa madaling salita, kanya-kanyang hula. Hindi kasi malinaw kung saan galing o gawa ang mga paninda ng Dali Everyday Grocery.
Wala rin katiyakan ligtas kainin o gamitin ang mga produktong binili ng mga taong hangad lang ay makatipid ng konting barya.
At heto pa, nakatisod ako ng impormasyon hinggil sa mga reklamong inihain laban sa Dali Everyday Grocery. Pati ang kalatas ng FDA, nabasa ko.
Ayon sa nasabing ahensya, hindi aprubado ng FDA ang mahahabang talaan ng kanilang paninda.
In short, delikado.
Sa ganang akin, di hamak na mas mahal magpa-ospital kumpara sa konting baryang matitipid namin sakaling ako ay bibili sa Daly Everyday Grocery.