Naligtas ang apat na buwan na baby nang ihagis ng tatay mula sa ikatlong palapag ng kanilang tinitirhan at saluhin ang kapitbahay.
PATAY ang tatlong bata matapos itong ma-trap sa loob ng nasusunog na bahay sa Barangay Tatalon, Quezon City madaling araw ng linggo.
Bandang alas-4.19 ng madaling araw nang masunog ang residential building sa Kaliraya St.
Ang mga biktima ay nasa edad 9,8, at 4 ayon sa tatay ng mga ito.
Ayon sa report, nagising ang mga magulang at nakitang puno na ng usok ang kanyang kwarto na nasa ikatlong palapag ng gusali. Nang buksan nila ang pinto ay makapal na umano ang usok at apoy. Kumalat na rin ito sa mga silid.
Nailigtas ang bunso nilang anak na apat na buwan pa lamang nang ihagis ng tatay mula sa bintana at saluhin ng kapitbahay. Tumakbo umano ang tatay para sagipin ang mga biktima ngunit nabigo na.
Nagtamo mga galos sa katawan ang mag-asawa gayundin ang panganay na anak nang tumalon mula sa bintana.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection na nahirapan silang sugpuin ang apoy dahil sa makikitid na kalsada papasok sa nasusunog na bahay.
