NATAGPUANG patay ang isang single mom at dalawang anak nito sa kanilang tirahan sa San Jose, Romblon nitong Miyerkoles.
Ayon kay Romblon Provincial Director Col. Reynold Rosero nakilala ang mga biktimang sina Wielyn Mendoza, 29, ina ng dalawang batang sina TJ Mendoza Tabuna, siyam na taong gulang at JB, 7 taong gulang.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dumalo sa birthday party ang mag-iina sa kapitbahay na si Jack Gregorio Martes ng gabi sa Sitio Upper Hinulugan, Barangay Poblacion. Makalipas ang ilang oras bandang alas 12:35 ng madaling araw ay nagtaka ang ilang kapitbahay na bukas pa rin ang pintuan ng mga biktima. Nang kanilang puntahan ay dito na tumambad ang mga katawan ng mag-iina na tadtad ng saksak na naliligo sa sariling dugo.
Agad na ipinagbigay alam ng kapatid ni Wielyn na sina Wilbert at Charlie sa mga otoridad ang pangyayari.
Ayon sa imbestigador na si SSgt. Felix Millares dalawa ang posibleng persons of interest sa brutal na pagpaslang sa mag-iina.
Pinatutukan na rin ni MIMAROPA (Mindoro Oriental and Occidental, Marinduque, Romblon, and Palawan) Regiona Police Director Brig Gen. Sidney Hernia sa San JoSe MS ang mabilisang imbestigasyon at pag-aresto sa mga salarin.
