TATLO katao ang kumpirmadong namatay matapos pumutok ang gulong ng bus galing Baguio City paluwas ng Quezon City at ibangga ng driver ang bus sa puno ng acacia sa gilid ng kalsada sa Pugo, La Union.
Ayon sa report, bandang alas-10 ng umaga nang maganap ang aksidente. Galing sa Baguio City at papuntang Cubao, Quezon City ang bus na lulan ang 44 katao, kabilang ang driver at konduktor ng bus.
Nang pumutok ang gulong sa likurang bahagi ay minabuti ng driver na ibangga na lamang ang bus sa puno ngunit sa lakas ng impact ay nasawi ang mga biktima kabilang ang konduktor.
Batay umano sa pahayag ng driver ng bus, ilang pasahero, at maging ng pulisya, sumabog ang gulong sa likod ng bus, at nagkaroon ng pag-usok.
Nagpatuloy pa umano sa pagtakbo ang bus at maraming pasahero ang pumunta sa unahang bahagi ng sasakyan dahil sa takot.
Ilang beses umanong tinangka ng driver na itigil ang bus pero hindi na kumagat ang preno nito. Kaya naman napilitin na ang driver na ibangga na lang sa isang puno ang sasakyan.
