
Lumagda si Rudy 'Kid' Cañeda, isa sa founder ng Polphil, sa isang pangakong pagsuporta sa pangmatagalang kapayapaan nang isinasagawa kamakailan ng POLPhil ang National Peace Advocates Summit sa Lungsod Quezon.
NAKATAKDANG itatag sa Sabado, Pebrero 10, ang People’s Progressive Humanist Liberal Party o PolPHIL bilang isang progresibong partidong pampulitika na mangangahas makatunggali ang mga tradisyunal at political dynasties na nangingibabaw sa larangan ng pulitika sa bawat bayan, lalawigan at rehiyon ng bansa.
Layunin ng PolPHIL na wakasan ang pamamayani ng tradisyunal na politiko na namamayagpag sa loob ng ilang dekada sa lokal at pambansang pamahalaan.
Ayon kay Rudy ‘Kid’ Cañeda, layunin din ng partidong PolPHIL na mapalakas ang tunay na boses ng mamamayan, bigyang pansin ang kanilang kapakanan at alalahanin sa larangan ng mga desisyong pampulitika at pambatasan.
“Layunin ang aktibong partisipasyon sa mga programa ng gobyerno at pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo para sa ating mga kababayan,” sabi ni Cañeda.
Ang inagurasyon ay gaganapin sa UP Bahay ng Alumni sa University of the Philippines campus, Diliman, Quezon City ngayong Pebrero 10, Sabado.
Inaasahang dadalo sa paglulunsad ng partido ng PolPHIL ay mga kinatawan mula sa sektor ng transportasyon, manggagawa, magsasaka, kabataan, akademya, opisyal ng gobyerno, mga dating rebelde at sundalo, solong magulang at lider ng maralitang lungsod.
Ang PolPHIL party ay inisyatiba ng Political Officers League of the Philipppines (POLPhil), isang organisasyon ng kasalukuyan at dating mga punong kawani (chiefs of staff) sa iba’t ibang antas ng gobyerno, development workers, mga environmental advocates at nation builders na pawang determinadong magdala ng pagbabago sa takbo ng lokal at pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng POLPhil Political Institute, Enterprise Development Program at Good Governance Programs.