
UMALIS patungong Cairo si Migrant Workers Secretary Susan Ople, kahapon ng gabi upang pangasiwaan ang pagtulong ng pamahalaan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan sa Sudan.
“Ang Department of Migrant Workers (DMW) ay magkakaroon ng iba’t ibang pangkat na binubuo ng mga opisyal na bihasa sa pagtugon sa mga ganitong uri ng krisis at kagipitan, para tulungan ang mga OFWs sa Sudan na makalikas sa mas ligtas na lugar,” ayon kay Ople.
Sa masusing pakikipag-ugnayan ni Sec. Ople kina Philippine Ambassador Ezzedin Tago at sa Department of Foreign Affairs ay tutukuyin kung saan isasagawa ang cross-border assistance na katatayuan naman ng mga pangkat ng DMW.
Sinabi rin ni Ople na pagtawid sa border ay makatatanggap ng $200 ang mga na-displace na manggagawa roon, habang aalamin din ang iba pa nilang mga pangangailangan sa kanilang
reintegration o pag-uwi sa Pilipinas.
Nakipag-ugnayan na rin ang DMW sa Ministry of Human Resource and Social Development (MHRSD) sa Kingdom of Saudi Arabia para sa posibilidad na mabigyan ng pansamantalang
trabaho ang mga manggawang Pilipinong naapektuhan ng kaguluhan sa Sudan.
Ang Welfare Assistance Team ni Ople ay pangungunahan ni Undersecretary Hans Leo Cacdac, OWWA Administrator Arnell Ignacio at ni Labor Attache Roel Martin na nakatalaga sa Jeddah, Saudi Arabia.
Binanggit din ni Ople na paunang pangkat lamang ito at maaari pang madagdagan oras na maisaayos ang mga visa at iba pang travel document.