
Ni Jet D. Antolin
NASILIP ang presensiya ng mga illegal na istruktura sa pinangangalagaang Marikina watershed.
Sa Pilipinas, hindi na ito imposible.
Hindi na rin nakapagtataka na mismong mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) batid ang kaganapang ito pero bulag, pipi, bingi na ang mga ito.
Ito rin ang sinasabing isa sa mga dahilan kung bakit hindi nasasawata ang matitinding pagbaha sa Metro Manila.
Sa ginanap na deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa hinihinging P26.02 bilyon ng ahensiya, nabuking ang lahat nang ito.
Ayon kay ACT Teachers Party List Representative France Castro, kabilang sa illegal na istruktura ang mga resort at rest house na pag-aari ng mga makapangyarihang indibidwal sa gobyerno.
Tunay na hindi kayang tibagin ng DENR ang mga itinayong istruktura hindi dahil sa takot, kundi nakikinabang din ang iilan sa ahensiya sa pagpapatayo nito.
Ilang milyon kaya ang nakamal na pera at padulas mula sa mga mayayamang ito ang pinakinabangan ng mga tiwali sa ahensiya.
Sabi ni DENR Secretary DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, wala na silang kakayahang i-demolish ang mga resort dahil nakatayo na ito at sa korte na ito idadaan habang ang mga itatayo pa lamang ay posible pa nilang pahintuin.
Ganun?
Kaya ibig sabihin, kung tatagal sa korte ang pagpapa-demolish ng istruktura ay ganun din katagal itong magiging sanhi ng matitinding baha sa Metro Manila katulad na lamang ng ibinuhos na ulan kamakailan ng bagyong Carina at Habagat.
Malayo pa ang aabutin nito dahil kung dadaan sa korte ang paggiba ng mga istruktura, lulumutin na ito hanggang makaabot sa Korte Suprema.
Kaya noon pa man, dapat ay napigilan na ang pagpapatayo ng mga resort at rest house ng pinagpalang nilalang. Pero, nagsasalita ang pera. Hindi naman ito maipapatayo ng basta lang kung hindi dumaan sa proseso ng ‘lagayan’.
Tiyak may kumita at kumikita rito.
Kahit pa ang kahulugan ay makalbo ang kagubatan at magdulot ng matinding pagbaha habang ang mga makapangyarihang ito ay nagkukuyakoy lang at chillax sa magarbong tirahan.
Nakalulungkot lang isipin na tunay sa panahon ngayon, kanya-kanya na ang sistema. Tunay na mas maraming pera, mas masaya, kahit pa ang kahulugan nito ay literal na masadlak sa putikan ang mahihirap na kababayan.
