HINIKAYAT ni Representative Teacher Stella Quimbo ang Commission on Higher Education (CHED) na isulong ang online consultations para sa mental health matapos niyang matagumpay na mabuksan ito sa Marikina.
Ang hakbang na ito ay bilang tugon sa lumalalang mga isyu ng mental health, hindi lamang sa mga estudyante kundi pati na rin sa mga guro at faculty.
“Nagawa na po natin ito sa Marikina, at naniniwala akong kaya ring ipatupad [ang telekonsulta] sa ibang lugar,” ani ni Teacher Stella.
Binigyang-diin ito ni Teacher Stella sa budget briefing ng CHED ngayong araw sa Committee on Appropriations.
Bilang Senior Vice Chair komite, inihayag ni Teacher Stella na “Malaki ang responsibilidad ng CHED na tiyakin na lahat ng institusyon ng mas mataas na edukasyon, pampubliko man o pribado, ay nag-aalok ng dekalidad na programa para sa mga estudyanteng Pilipino.”
Dagdag pa niya na ang mga nagtapos sa kolehiyo ay nararapat na magkaroon ng mas maraming oportunidad—trabahong magbibigay ng sapat na kita upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sa kanyang 26 na taon bilang college professor sa University of the Philippines, ibinahagi ni Quimbo ang kasiyahan na maging gabay ng kabataan tungo sa kanilang mga pangarap.
