POSIBLENG maharap sa panibagong disciplinary action si suspendidong Negros Oriental Representative Arnie Teves sakaling mapaso na ang 60-day suspension na iginawad ng Kamara at wala pa rin ito sa bansa.
Sa kalatas na inilabas ni House Speaker Martin Romualdez, sinabi nito na sakaling magmatigas pa rin at hindi bumalik ng bansa si Teves, mapipilitan umano ang House Committee on Ethics and Privileges na muling magpulong at pag-aralan ang posibleng disciplinary action na kakaharapin nito sa Kamara.
Ito umano, ayon pa kay Romualdez, upang mapanatili ang dignidad, integridad at reputasyon ng Kamara.
Sinabi pa ni Romuladez na tinututulan niya ang tangkang paghingi ng political asylum ni Teves sa Timor-Leste at abandonahin ang sinumpaang tungkulin bilang miyembro ng Kamara.
“Sa halip na magtago, makabubuti kung uuwi siya (Teves) ng bansa at harapin ang imbestigasyon laban sa kanya. Harapin niya ang akusasyon laban sa kanya,” sabi ng House speaker.
Paulit-ulit umanong tinitiyak ni Romualdez ang kanyang personal na kaligtasan sa kanyang pagbabalik sa bansa.
Si Teves ay iniulat ng Foreign Affairs department na nasa Dili, Timor-Leste at humihingi ng political asylum doon. Gayunman, may ulat na tinanggihan ng naturang bansa ang hinihingi nitong asylum. Binigyan na rin umano ito ng limang araw upang lisanin ang Timor-Leste.
