NABABAHALA si Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco sa planong pagbili ng P2.5B halaga ng biofertilizer ng Department of Agriculture bilang tulong umano sa mga magsasaka.
“I would like us, the Philippines, to be careful in the expenditure of these kinds of monies to purchase something which is not sure to benefit our farmers,” ayon pa sa kongresista sa muling pagbubukas ng First Regular Session ng 19th Congress.
Sinabi ni Cojuangco na hindi na kailangang maulit pa ang fertilizer scam sa mga nagdaang administrasyon na kadikit ng biofertilizer.
Sa kanyng privilege speech ukol sa Memorandum Order 32 ng Department of Agriculture (DA) na nilagdaan ni Undersecretary for Rice Industry Development Leocadio Sebastian, sinabi nito na nilalayong itulak ang paggamit sa biofertilizer sa pamamagitan ng paglalaan ng mahigit P2.5 bilyon para rito.
Idinagdag pa ni Cojuangco na palaisipan sa kaniya kung ito ay karagdagan lamang o itinuturing nang pamalit ng DA para sa mga ibinibigay nitong assistance sa mga magsasaka.
Binigyang-diin nya na kinakailangang maghigpit sa pag-iingat ang gobyerno bago ito isulong. Hindi umano biro ang laki ng halagang nais gamitin ng DA para sa biofertilizer na nagkakahalaga ng P6,000per pack at batay sa Invitation to Bid ng DA-Region I sa PhilGeps para sa “Supply and Delivery of 1,000 packs of Microbial-based BioFertilizer ito ay tinatayang magkakahalaga ng P6 milyon.
Ayon kay Cojuangco, sa halip na biofertilizer, maaaring bumalik na ang DA sa paggamit ng Urea Fertilizer na bumababa na ang presyo sa kasalukuyang P1,230 per bag mula sa P 2,500 per bag.
Dagdag niya, higit na mababa ang nitrogen content ng BioFertilizer (1%) kumpara sa Urea (46%), kung kaya’t kinakailangang tumbasan ng BioFertilizer na nagkakahalaga ng Php 5.52 million ang sustansyang mayroon ang isang sako ng Urea na nagkakahalaga lang ng Php 2,460 (100kgs).
Bukod pa rito, nababahala ang kongresista sa negatibong epekto sa productivity ng palay kung BioFertilizer sa halip na Urea ang gagamitin ng DA.
“At only 1 ton marginal palay production per hectare, 2.5 Billion pesos represents more than 2 million bags of urea and 2M lost tons of palay production for that crop,” giit niya.
Inihalintulad nya ito sa karanasan ng bansang Sri Lanka nang ipinagbawal ang paggamit ng synthetic fertilizers at pesticides ng kanilang Presidente noong 2021 na naging sanhi ng pagbagsak ng produksyon ng palay ng 20% sa loob lamang ng anim na buwan.
Kaya naman hinimok ni Cong. Cojuangco ang Kamara na magkaroon ng hearing para mausisang mabuti at mapag-aralan ang planong ito ng DA at isaalang-alang ang ikabubuti ng ating agrikultura at mga kababayan nating magsasaka.
“With that I would like to warn Congress, the Senate, our People, regarding this very serious matter,” panawagan ng kongresista sa Kamara.
