MASUSI nang pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang posibilidad na bawiin ang pahintulot sa paglabas ng mga bata sa Metro Manila, kasunod ng mga naglabasang ulat ng pagpopositibo ng 2-taong-gulang na batang galing sa pamamasyal.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, partikular na tututukan ng IATF ang gagawing hakbang sa pagpapalabas sa mga bata sa 16 na siyudad at isang munisipalidad ng Metro Manila sa gitna ng patuloy na banta ng nakamamatay na Covid-19.
Aniya, nakipag-ugnayan na rin ang kanilang kagawaran sa mga alkalde at maging sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para pag-usapan posibilidad ng isang uniform policy sa 17 lokalidad sa nasabing rehiyon.
“Napag-usapan na ho namin ito with the Metropolitan Manila Development Authority and the local governments of Metro Manila. And ang pinupunto nga po natin dahil sa Alert Level 2, dahil sa mga basehan natin na napag-aralan ng eksperto, maaari naman pong lumabas ang mga bata,” sambit ni Vergeire sa isang panayam sa radio.
“Pero kailangan we are focused on the objective kaya natin pinapalabas ang mga bata — to exercise, to get sunlight, and doing their acts with other children but not in crowded areas.”
Nakatakda naman talakayin ng IATF sa Huwebes ang usapin.
