UMABOT sa 1,967 ang mga pasaherong nakinabang sa Libreng Sakay ng MRT-3 para sa visually impaired passengers mula Agosto 1 hanggang 6, bilang pagdiriwang ng White Cane Safety Day.
Kasamang nakatanggap ng libreng sakay nang limang araw ang hanggang sa isang aide o companion ng bawat pasaherong may kapansanan sa paningin.
“Nawa po ay naipadama ng MRT-3 sa aming libreng sakay ang pagsaludo at pagbibigay-pugay namin sa aming mga pasaherong may kapansanan sa paningin. Makaaasa po ang publiko na patuloy na magiging kaagapay ang MRT-3 sa pagsusulong ng mga karapatan ng lahat ng mga pasahero lalo na iyong may espesyal na mga pangangailangan,” saad ni Department of Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
