NAGBITIW na bilang miyembro ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang paghahanda sa pagsapi sa isang national political party na kanyang gagamitin sa pagsabak para sa isang mas mataas na posisyon.
Sa isang sulat-kamay na liham na ibinahagi ni HNP Secretary General Anthony del Rosario, lubos aniya silang nalulungkot sa pagbibitiw ng anak ng Pangulo sa kanilang partido. Gayunpaman, hangad nila ang tagumpay ng alkalde sa anumang plano nito sa hinaharap. Gayunpaman, tiniyak ng alkalde na mananatili ang kanyang suporta sa HNP na itinatag niya mismo sa Davao City kung saan siya nakatakdang magbitiw sa hudyat ng kanyang paghahain ng kandidatura bilang “substitute” ng isang aspirante sa mas mataas na pwesto sa gobyerno.
“It is with profound sadness that I hereby tender my resignation from our beloved party. My support will always be with you and I will always be grateful for all the things you have thought me. Daghang salamat,” saad ng isang pahinang resignation letter ni Duterte-Carpio sa kanilang regional party. Una nang binawi ng alkalde ang kanyang kandidatura para sa isa pang termino bilang Mayor ng Davao City.
Sa pag-atras ng kanyang reelection bid, papalit naman bilang nominado ng nasabing regional party ang kanyang kapatid na si Davao City Vice Mayor Baste Duterte.
