NAGPAABOT ng pakikiramay si OFW Party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino sa pamilya ng tatlong Overseas Filipino Workers (OFW) na nasawi sa kasagsagan ng malalakas na ulan at malawakang pagbaha sa United Arab Emirates.
“Nakikiramay tayo sa kanilang naiwang pamilya. Ipinagdarasal din natin ang ibang mga kababayan nating nakakaranas ng kalamidad na ito,” ayon kay Magsino.
Batay sa ulat ng Department of Migrant Workers, dalawang babaeng OFW ang pumanaw dahil sa kakulangan ng hangin sa loob ng kanilang sasakyan sa panahon ng baha. Samantala, ang ikatlong biktima ay namatay dahil sa malubhang pinsala mula sa aksidente nang mahulog ang kanyang sasakyan sa isang sinkhole.
“Pinanawagan natin sa ating mga kababayan sa United Arab Emirates na patuloy na mag-ingat at humingi ng tulong sa mga awtoridad sa pagkakataong kayo ay nahihirapan. Bukod sa Konsulado at Migrant Workers Office, maaari din ipaalam sa ating mga kapwa kababayan ang inyong sitwasyon kung kinakailangan. Sa ganitong panahon ng kalamidad, dapat din natin ipakita ang kahalagahan ng bayanihan, lalo na’t kayo ay nasa ibang bansa. Ang pagtutulungan at pagkakaisa ng bawat isa ay mahalaga upang malampasan ang mga hamon at mapanatili ang kaligtasan at kapakanan ng bawat miyembro ng komunidad,” ayon kay Magsino.
“Patuloy natin babalutin ng dasal ang mga naging biktima ng kalamidad, lalo na ang ating Filipino communities, upang malampasan ang trahedya at makabangon muli. Ang OFW Party List ay bukas din sa anumang tulong na kakailanganin ng ating mga kababayan at kanilang mga kapamilya,” dagdag pa nito.
