PALUNGKOT nang palungkot ang balita sa kinasasangkutan ngayon ng aktres na si Bea Alonzo na ayon sa report ni Fast Talk show host Boy Abunda ay isinauli na ang engagement ring ng aktres sa dating nobyo na si Dominic Roque.
Binulaga ng balita sa hiwalayang Bea at Dominic ang showbiz ilang buwan sa itinakdang kasal ng mga ito.
Huling nakitang magkasama ang dalawa sa travel nila sa Japan nitong January at mula noon hanggang ngayong Pebrero ay sinasabing hindi na muli nagkasama ang dalawa kahit pa sa mahahalagang okasyon ng kani-kanilang pamilya ay hindi present ang dalawa.
Kinumpirma rin ni Abunda ang hiwalayan ng dalawa ngunit hindi rin nagbigay ng dahilan sa breakup.
Ilan ang nagsabing may kinalaman ito sa pre-nuptial agreement ng mag-nobyo ngunit itinanggi ito ng kampo ni Dominic.
Ilang linggo na raw ang nakalilipas nang umugong ang balita sa pre-nuptial at hindi umano naging problema sa aktor ang tungkol dito.
Ilang source din ang nagsabi na nakapag-usap na si Bea at Dominic at ang nakalulungkot ay isinauli na raw ni Bea ang engagement ring nito sa aktor.
Patuloy pa ring sinusuyo ni Dominic si Bea at marami ang umaasang magkakabalikan din ang mga ito dahil saksi ang sambayanan sa pagmamahalan ng dalawa at marami ang nananalangin na sa kasalan pa rin mauuwi ang lahat.
