NA-TRAP at namatay ang tatlong bata matapos sumiklab ang apoy sa isang residential area sa Barangay Obrero sa Quezon City, madaling-araw ngayong Huwebes, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Senior Fire Officer 3 Rolando Valena ng Quezon Fire District (QCFD), ang dalawang biktima na magkapatid na edad 7 at 5, at kanilang 11-anyos na pinsan ay na-trap mula sa ikatlong palapag ng kanilang bahay nang sumiklab ang sunog sa Scout Tobias Street, Barangay Obrero.
Ayon kay Valena, natutulog na ang mga biktima kasama ang kanilang lola nang mangyari ang insidente. Naiwan ang tatlong bata sa kanilang silid matapos ang kanilang lola na sinubukan pa silang iligtas ay mahulog mula sa ikatlong palapag sa ground floor ng kanilang bahay.
Agad namang binigyan ng medikal na atensyon ang lola ng mga biktima.
Sinabi pa ng BFP, natagpuan ang katawan ng ikatlong bata pasado alas-5:00 na ng madaling-araw.
Itinaas ang sunog sa unang alarma ng alas-12:02 ng hatinggabi, habang idineklarang under control ng ala-1:08 ng hatinggabi at tuluyang naapula ang apoy ng alas-3:12 ng madaling-araw, ayon pa sa QCFD.
Ayon sa mga awtoridad nasa P135,000 ang tinatayang halaga ng pinsala sa mga ari-arian habang 27 kabahayan ang natupok at nasa 81 pamilya naman ang apektado dahil sa insidente.
Naging problema din ang makikipot na pasilyo at hindi agad napasok ng mga bumbero para apulahin ang apoy.
Patuloy na iniimbestigahan ng QCFD ang naging sanhi at pinagmulan ng sunog.
