
NAILAGAY na ang simbolikong marker na nasa Philippine exclusive economic zone (EEZ) sa misyon ng Atin Ito Coalition ngayong Miyerkoles.
Bandang alas-11:15 ng umaga ay naglabas ng mga larawan at video ang civilian mission ng Atin Ito na nagpapakitang inilalagay ang buoy na may katagang “WPS ATIN ITO!”.
Sinabi ng organizer na nakapamahagi ang mga bangka ng supply tulad ng krudo at pagkain sa mga mangingisdang Pinoy sa lugar.
“The Atin Ito contingent will now proceed to the second phase of its voyage, aiming to reach the vicinity of Panatag Shoal (Scarborough Shoal) for another round of supply distribution to Filipino fisherfolk in the area,” ayon sa kalatas ng Atin Ito.
Umaasa rin ang “Atin Ito” na makararating sa Panatag Shoal bukas ng alas 6 ng umaga (Huwebes).
Hindi rin sinabi ng Atin Ito ang eksaktong lokasyon para sa kanilang seguridad.
Ang convoy ay binubuo ng 100 bangka na umalis ng Zambales bandang alas-7:30 ng umaga.
Sinabi ni Atin Ito co-convenor at Akbayan president Rafaela David na ang civilian supply mission ay kinabibilangan ng limang commercial fishing vessels at 100 maliliit na fishing boat.
Kasama rin ang 200 volunteers, kabilang ang crew members lulan ng limng commercial vessels.
Kabilang sa mga naiisang organisasyon ang New Masinloc Fishermen’s Associations,Subic Commercial Fishing Association Inc., Mabayo Agri Aqua Association in Bataan Pambansang Katipunan ng Samahan sa Kanayunan (PKSK), Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA), Center for Agrarian Reform, Empowerment and Transformation (CARET), Akbayan Youth Student Council Alliance of the Philippines (SCAP).