
MAGPAPATULOY ang search and rescue operations sa nawawalang Cessna plane sa paligid ng Mayon Volcano, ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Irwin Baldo Jr. ngayong Lunes.
Sa panayam, sinabi ni Baldo na “Tuloy po ang search and rescue po natin habang hindi natin nakikita ‘yung mga body ng sakay ng eroplano… Alam po natin ‘yung wreckage ng eroplano malapit na po ito sa crater ng Mayon,” ayon kay Baldo.
“Habang hindi nakikita ‘yung body, nandu’n tayo sa search and rescue pa rin. Pero sana makuha na rin po natin ‘yon. May mga ginagawa pa. (Kung) gumanda po ang panahon, may lilipad uli na chopper, kukuha ulit ng closer picture and video doon sa wreckage. Baka may makitang body sa area, doon natin i-concentrate ang pag-search and rescue natin,” dagdag pa nito.
Noong Sabado unang naireport na nawawala ang Cessna 340 plane base sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Umalis umano ang Cessna 340 (Caravan) aircraft na may registry number RP-C2080 ng Bicol International Airport bandang alas 6:43 ng umaga.
Nawala na umano ang kontak sa mga ng bandang alas 6:46 ng umaga o tatlong minuto lamang pagkaalis nito. Lalapag sana ito sa Maynila ng alas-7:53 ng umaga.
Lulan ng eroplano ang apat katao, kabilang ang dalawang Australyanong pasahero.
Nitong Linggo, nakita ng Camalig, Albay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang nawawalang Cessna plane malapit sa bukana ng Mayon Volcano.
Problema sa rescue operations ang lagay ng panahon dahil maulan at nakataas pa sa alert level 2 ang bulkan base na rin sa bulletin na inisyu ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong Lunes.
“Hindi natin inaalis ang possibility na baka sumabay ang body ng mga sakay ng eroplano doon sa tubig na galing sa Mayon,” he said.
“Siguro pabalik ng Manila. Hindi po natin alam kung bakit napunta doon sa may crater ng Mayon,” sabi pa ng alkalde.