NATUNTON ng awtoridad ang hinihinalang mga sasakyan na ginamit sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ilang minuto bago isagawa ang pagpatay.
Sa isang bukirin sa Barangay Kansumalig, Bayawan City nakitang abandonado ang mga sasakya na isang Mitsubishi Pajero (NQZ 735); isang Isuzu pickup na kulay green (GRY 162) at isang Mitsubishi Montero (YAP 163).
May mga bahid ng dugo sa Mitsubishi Montero.
Sinabi ng mga saksi na nasa 10 katao ang lulan ng sasakyan nang bumaba.
Hot pursuit operations gawin! — Abalos
Agad iniutos ni Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa Philippine National Police ang pagtugis sa mga pumaslang kay Degamo.
“Nagbigay na ako ng direktiba sa PNP na magsagawa ng hot pursuit operations para agad na mahuli ang mga suspek na responsable sa krimeng ito,” sabi ni Abalos.
“Nakadeploy na ang mga puwersa ng Negros Oriental Provincial Police Office pati na ang mga kapulisan sa karatig na probinsya para galugarin ang bawat sulok ng lugar para agad na madakip ang mga kriminal,” ayon pa kay Abalos.
Nanawagan din si Abalos sa mga witness na makiisa sa isinasagawang imbestigasyon.
