“MASYADONG maliit ang P65 discount every week na grocery ng mga senior citizens. We need to raise it na.”
Ito ang reaksyon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez nang hingan ng opinyon ng media hinggil sa mga discount ng mga senior citizens at PWDs.
Pupulungin ni Romualdez ang bubuuin na Technical Working Group (TWG) na magre-review sa Senior Citizens Act ngayong linggo para pag-aralan kung magkano ang dapat idagdag pa na diskwento sa grocery ng mga senior citizens at PWD.
Sa kasalukuyan ay 5% lang ang ibinibigay na discount kada linggo sa mga senior citizen na hindi lalagpas sa P1,500 ang halaga ng kanilang pinamili o P65 lang na discount every week.
“Hindi na angkop ang nasabing discount sa panahon na ito dahil sa high cost of living,” dagdag pa ni Romualdez.
Ayon kay United Senior Citizen partylist Rep. Milagros Magsaysay, hindi imposible at madaling magawan nang paraan ang gustong mangyari ni Romualdez.
“Taasan ang value ng amount na igo-grocery ng mg senior o PWD, say mga P5,000 a week. Five percent ng 5k is P250 din,” paliwanag ni Magsaysay.
Dagdag pa ni Romualdez, dapat pati mga food supplements at vitamins ng mga matatanda at PWD ay may discount na rin.
“Karamihan sa mga seniors natin at PWD ay bumibili ng mga supplements for prevention or vitamins daw kaya dapat isama na rin ang mga ito,” ayon sa lider ng House.
Ayon naman sa chairman ng House Ways and Means Committee na si Rep. Joey Salceda, kasama ito sa mga babalangkasin ng TWG sa mga darating na araw.
