
Pansamantalang inilikas ang mga residente sa ilang paaralan at covered court ng Agoncillo, Batangas matapos ang muling pag-aalburuto ng Taal.
SA katanghaliang-tapat ngayong Sabado, sinimulan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ilikas ang mga residente malapit sa Taal Volcano sa patuloy na pagbuga ng makakapal na usok ng bulkan.
Limang barangay sa munisipalidad ng Agoncillo at Laurel na nasasakop sa pitong kilometro distansiya mula sa bunganga ng Taal Volcano.
“Ongoing ang evacuation activities po sa Barangay Gulod, Boso-Boso and eastern portion of Bugaan East in Laurel. And initial info from Agoncillo local government unit is 160 families had been evacuated,” sabi ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal.
Patuloy pa rin ang pagkalap ng impormasyon ng NDRRMC mula sa mga LGU.
“The 160 families po are estimated to be 800-900 persons,” ayon kay Timbal base sa report ni Agoncillo Mayor Daniel Reyes.
Dinala sa limang paaralan at isang covered court ang mga residente. Hindi papayagan ang mga ito na bumalik sa kanilang tirahan habang nakataas ang Alert Level 3. Kahapon ng alas-10 ng umaga ay bahagyang humupa ang pagbuga ng usok mula sa bulkan.
Ayon sa Phivolcs, hindi umano naitala ang pagbuga ng malalaking bato mula sa bulkan. Subalit, may mga buhangin na kasama sa hangin na nararamdaman ng mga residente gayundin ng mga mangingisda na nagpapakain sa mga fish cage.
Sinabi ng Phivolcs na maikling nagbuga na phreatomagmatic burst ang bulkan bandang alas-7:22 ng umaga.
Sinundan ito ng tuloy-tuloy na phreatomagmatic activity kung saan nagbuga ng usok na may taas na 1500 m kasabay ng pagyanig at infrasound signals, ayon pa sa Phivolcs.