BRUTAL na kamatayan ang sinapit ng isang estudyanteng transgender matapos itong matagpuang tadtad ng saksak sa katawan at laslas pa ang leeg sa Tawi-Tawi.
Hinala ng pulisya, miyembro rin ng LGBTQIA plus ang nasa likod ng krimen.
Nabatid na ang biktimang si Khay Abdulgajir ay sinundo ng isang kaibigan para sa isang event ngunit natagpuan na itong patay sa kalsada noong Mayo 17.
“Masakit sir dahil ‘yung ginawa nila sa anak, parang… pinatay nila parang hayop,” umiiyak na pahayag ni Ruaida Nain Muallip, ina ng biktima.
“Nilaslas nila sir, tapos ‘yung marami pang sugat. Ang bata ng anak ko sir, walang kalaban-laban,” patuloy niya.
Batay sa imbestigasyon ng Bongao Police Station, sinundo si Abdulgajir ng kaibigan noong Lunes para sa trabaho bilang event organizer.
Nitong Martes ng madaling araw ay nakita na ang kaniyang bangkay at nawawala ang cellphone.
“Isa po sa anggulo natin is ‘yung, dahil po sa selos. At isa naman po ay dahil sa kanilang hanapbuhay,” ayon kay Police Captain Kuhutan Imlani Jr., Officer-in-charge, ng Bongao Police Station.
Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), magsasagawa sila ng motu propio investigation, sa pamamagitan ng regional office sa Region IX, at makikipag-ugnayan sa Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC).
“Tinitingnan po namin dito, ini-examine po naming, pinag-aaralan po naming ‘yung kaso, kung saan po ang aming opisina ay puwedeng mag-provide ng any form of assistance,” sabi ni Mohammad Ghamidi Amilhassan, Investigator on case ng Bangsamoro-HRC.
Ang LGBTIQ community sa lugar, naniniwalang “hate crime” ang nangyari kay Abdulgajir.
