PATAY ang isang guro habang 20 ang sugatan nang mahulog ang service bus sakay ang mga public school teacher ng Quezon City sa isang matarik na bangin sa Orani, Bataan, ngayong Sabado.
Naipit umano ang biktima sa puno, ayon sa report.
Sa pahayag, sinabi ng Schools Division Office ng Quezon City na ang mga guro ay bahagi ng grupong dumalo sa gender and development activity sa isang resort sa Orani.
Bandang alas-11:30 ng umaga pauwi na ang grupo sakay ng DepEd QC bus (SAA-9845) lulan ang 48 pasahero kasama ang driver at ka-relyebo nito nang maganap ang aksidente.
Nasa 15 minuto pa lamang umano ang nakalilipas sa pag-alis sa resort nang maganap ang trahedya.
Habang paliko umano sa kurba ay nawalan ng preno ang bus at nahulo sa 15-metrong bangin.
Isa umano sa nakilahok ay guro ng Payatas B Elementary School. Hindi na ito umabot nang buhay sa Orani District Hospital sa tindi ng pinsalang inabot ng katawan.
Isinugod ang mga biktima ng mga sumaklolo mula sa Province of Bataan sa Orani District Hospital.
Samantala, inamin naman ng Quezon City government na ang bus ay isa sa tatlong donasyon sa Schools Division Office noong 2016.
