Ang umamin na gunman na si Joel Escorial.
KINUMPIRMA ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang deposito na P550,000 sa account ng umamin na gunman na si Joel Escorial sa Percy Lapid killing, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ngayong Sabado.
“Kahapon, yung report ng AMLC, nilabas din nila na ‘yung sinabi ni gunman Escorial ay very accurate. Nandoon talaga ‘yung P550,000 deposit within a certain amount of days,” ayon kay Remulla.
Sinabi ni Remulla na ang P550,000 ay idineposito sa loob ng tatlong linggo. “Maraming deposit ‘yan within a span of more than two weeks eh, within a three-week period. Parang ganu’n eh, within a 20-day period,” ayon pa kay Remulla. Ibinunyag din ni Remulla na ang pera ay idineposito ng iba’t ibang indibidwal. “Iba-iba ‘yan (‘yung nag-deposit). Ipapaliwanag ‘yan ng NBI sa Lunes kasi sila ang may alam ng mga detalye,” sabi ni Remulla.
“‘Yan ang bago nating iimbestigahan because it sheds some light into the financial activities within,” dagdag pa niya.
Si Lapid, Percival Mabasa at host ng online broadcast program “Percy Lapid Fire” sa DWBL 1242 at columnist ng Hataw, ay binaril at napatay habang pauwi sa kanyang tirahan sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City, noong Oktubre 3.
Sumuko si Escorial sa pulisya at umamin sa krimen. Ibinunyag nito na nakatanggap siya ng P550,000 sa
bank transfer matapos isagawa ang krimen, ayon kay Southern Police District director Police Brigadier General Kirby Kraft.
Sinabi rin ni Escorial na ang utos na patayin si Lapid ay nanggaling sa loob ng Bilibid.
Itinuro ni Escorial ang middleman na si Cristito Villamor-Palaña o Jun Villamor, na kumontak sa kanya at kalaunan ay namatay din sa sa ilang oras matapos itong sumuko at magbigay ng mga pangalan sa kasabwat sa pagpatay kay Lapid.
Sinabi ni Remulla na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon upang mabatid ang utak sa krimen.
“Meron pa kaming sinisimot na may participation dito. Belated na ang kanilang pagiging co-accused kasi iimbestigahan pa rin,” sabi nito.
