ISINAILALIM na ang buong bayan ng Taytay, Palawan sa state on health emergency dahil sa nakaaalarmang pagtaas ng kaso ng dengue sa buong bayan.
Sa 31 barangay sa Taytay, 30 na barangay at ang nanguna sa may mataas na kaso ay ang Barangay Poblacion na may 565 na dengue cases.
Ang naitala namang nasawi sa dengue ay 13 mula sa mga Barangay Poblacion 8, Barangay Liminangcong 3, Barangay Alacalian 1, at Barangay Debangan 1.
Nakasaad sa kanilang resolution ang mga hakbang na dapat na gawin para mapigilan pa ang pagtaas nito, at ang pagsunod ng mga residente sa maigting na kampanya laban sa dengue.
Aprubado at pirmado ni Taytay Mayor Christian Rodriguez ang resolusyon sa pagsasailalim sa State on Health Emergency ng kanilang bayan.
Sumipa na ngayon sa mahigit limang libo ang kabuuang bilang ng mga nagkakasakit ng dengue sa lalawigan ng Palawan para sa Morbidity Week 27.
Batay sa datos ng Vector Borne MIMAROPA, umaabot na sa kabuuang 5,141 ang total dengue cases sa lalawigan kung saan pinakamataas na may naitalang mga kaso ng dengue sa buong rehiyon na may 43 nang naitatalang namatay habang sa MIMAROPA naman ay may kabuuang 6,813 na kaso at may 58 na naitalang nasawi.
Kabilang sa nangungunang lugar sa Palawan na may mataas na kaso ng dengue ay ang bayan ng Taytay na may 1,287 cases na sinundan ng lungsod ng Puerto Princesa na may 1,235 cases; Bataraza 464 cases; Roxas 458 cases, at Brooke’s Point na may 351cases.
