Nagdulot ng pagbaha nang umapaw ang ilog sa Magsaysay-Colorado road, Agusan del Norte.
UMABOT na sa 13 ang patay dahil sa matitinding pag-ulan at malawakang baha sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao sa araw ng Kapaskuhan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Pito sa mga nasawi ang naiulat sa Northern Mindanao, tatlo sa Bicol, dalawa sa Eastern Visayas, at isa sa Zamboanga.
Dalawa pa lamang ang nakukumpirma, ayon pa sa NDRRMC.
Nasa 23 katao ang iniulat na nawawala kabilang ang 12 sa Eastern Visayas, walo sa Bicol, at tatlo sa Northern Mindanao.
Dulot ng shear line ang matitinding pag-ulan at baha na nakaapekto na sa 166,357 katao o 44,282 pamilya sa 385 barangay sa Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, at Bangsamoro.
Samantala, nasa 45,337 katao o 10,536 families ang inilikas na sa mga evacuation centers.
Nasa 534 kabahayan naman ang naiulat na nawasak — 369 ang bahagyang nasira at wasak na wasak ang 165 kabahayan. Ang pinsala sa agrikultura ay pumalo na sa P59,829,614 at sa imprastruktura sa nasa P14,580,000 sa Bicol at Northern Mindanao.
