MAHAHARAP sa panibagong kaso si suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag dahil sa illegal na paghuhukay sa New Bilibid Prison.
Ayon kay BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources na illegal ang paghuhukay na ginawa ni Bantag malapit sa director general quarters.
“So, given that meron nang findings, magfa-file po kami ng illegal excavation sa nakatira dito, kay Bantag,” ayon kay Catapang.
“Kokonsulta po namin sa DOJ (Department of Justice) kung anong kaso po ito, saan isasampa,” ayon pa dito. Nauna nang natuklasan nina Catapang ang malalim na hukay sa pasilidad ng Bilibid. Umaabot ito sa lalim na 30 metro.
Paliwanag ni Bantag, gagawin niya itong swimming pool dahil isa umano siyang diver.
Patatabunan na din ni Catapang ang mga hukay matapos ang holiday.
