CAVITE – Matapos ang pagpasok ng bagong taon, inasahan na ang pagdami ng mga nagkakasakit ng Covid-19 kaya naman biglang lumobo ang mga tinamaang pasyente dahilan para mapuno ang kapasidad ng mga ospital sa lalawigang ito.
Halos nasa full capacity na ang pagamutan ng Dasmarinas matapos makapag -admit ng 50 pasyente na tinamaan ng Covid-19.
Ayon sa panayam sa Medical Officer na si Dr.Luisa Caguingan, tinamaan na rin ng Covid-19 ang nasa 90 health workers kung saan ngayon ay naka home quarantine na.
Sinabi naman ni Dr. Edgardo Figueroa ng Ospital ng Imus na limitado na rin ang mga serbisyo sa kanilang pagamutan dahil sa 15 staff dito ay nagpositibo na rin sa coronavirus.
Kaya naman ang ilang pasyenteng nais na magpa-opera ay pansamanatalang maaantala habang ang mga emergency lamang muna at manganganak ang kanilang tatanggapin.
Maging ang kanilang ICU ay pansamantalang isinara upang makatulong ang ibang staff sa ibang departamento.
Pinaghahandaan na ng kanilang lokal na pamahalaan ang posibleng gagawing granular lockdown sa mga lugar kung saan mataas ang kaso ng coronavirus.
Sa ngayon, naitala ang 400 na bagong active cases sa lungsod matapos sumailalim sa antigen test. Samantala, naiulat naman ng Department of Health 4-A ang dalawang pasyenteng tinamaan ng Omicron variant sa lalawigang ito matapos lumabas ang resulta mula sa Philippine Genome Center.
Mananatili rin ang Cavite sa Alert level 3 mula nitong Enero 5 hanggang 15 2022.
