PATAY ang isang magsasaka matapos itong tambangan ng lalaki at saksakin sa sinasabing love triangle sa Candelaria, Quezon.
Sinabi sa police report na pauwi na si Allan Matutina, 40, sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang sumulpot sa daan ang suspect na si Christian Selga, 30, ng Barangay Malabanban Sur bandang alas-10 ng gabi.
Agad umanong sinaksak ni Selga si Matutina sa dibdib gamit ang kitchen knife. Dalawang beses nitong inundayan ng saksak ang biktima bago tumakas. Iniwan nito ang patalim.
Hindi umabot nang buhay sa ospital ang biktima.
Sinabi ng pulisya na ang misis ng suspect at ang biktima ay mayroon umanong bawal na relasyon.
Hindi na nagdagdag ng paliwanag ang pulisya sa anggulong love triangle.
Pinaghahanap na ng awtoridad ang suspect.
