ANGONO, Rizal — Sa gitna ng nagbabadyang pagnipis ng suplay ng kuryente dulot ng tag-init, sinimulan ng lokal na pamahalaan ang unti-unting paggamit ng iba pang pwedeng pagkuhanan ng kuryente sa operasyon ng kanilang tanggapan.
Sa isang kalatas ng Angono, iginiit ni Mayor Jeri Mae Calderon ang kahalagahan ng renewable energy, kasabay ng unang araw ng paggamit ng mga solar panels na aniya’y nagbibigay kuryente sa ilang tanggapan ng kanilang munisipyo.
“Nag decide tayo na mag invest sa alternative source of energy para sa ating Munisipyo, nakakatulong na sa environment makakatipid pa tayo sa monthly bill ng ating kuryente sa munisipyo,” sambit ng alkalde sa kanyang Facebook post.
Pinag-aaralan na rin aniya ng lokal na pamahalaan ang pagpapalawig ng paggamit ng solar energy sa iba pang pasilidad sa nasabing lokalidad bilang pambungad sa mas malawak na programang magbibigay daan sa kanilang layong luntiang pamayanang hindi nakaasa sa mapaminsalang “fossil fuel.”
Ani Calderon, ilalaan sa ibang programang tugon sa dusang kinasasadlakan ng mga residente ang malaking matitipid ng kanilang lokal na pamahalaan.
“Ito ay simula pa lamang upang unti-unti ang ating bayan ay maging isang Green Municipality,” pagtatapos ng punongbayan. (Fernan Angeles)
