Nasa 8M na ang full vaxxed sa Calabarzon at inaasahang tataas pa sa patuloy na pagtaas ng bilang ng Covid-19 sa rehiyon.
CALAMBA City- Aabot sa 18,551,328 na ang mga residenteng nabakunahan kontra Covid-19 sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), ayon sa talaan ng Department of Health Region 4-A.
Nasa 8,651,876 ang mga indibidwal na fully vaccinated o mga nakatanggap ng kumpletong dose ng bakuna. Nabigyan naman ng unang dose ng bakuna ang halos nasa 9,734,747 na indibidwal habang nasa 1,001,898 ang mga nagpa-booster shots.
Samantala, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga nagkakasakit ng Covid-19 dahil sa muling naitala nitong Enero 23 ang 32,341 aktibong kaso ng corona virus.
Naitala sa loob ng isang araw ang 1,827 ang nagkasakit. Gumaling naman ang halos 1,584 indibidwal habang 12 katao naman ang binawian ng buhay.
Ang lalawigan ng Cavite ang nakapagtala ng may pinakamataas na kaso ng tinatamaan ng sakit na kung saan pumalo sa 14,892 active cases.
Sumunod ang lalawigan ng Laguna na may 8,557 active cases; Rizal, 3,758 active cases; Batangas, 3,621 active cases, Quezon 1,294 at Lucena City 219 active cases.
Patuloy pa rin ang panawagan ng Department of Health Calabarzon na magpabakuna ang mga residente upang malabanan ang nakakahawang sakit na Covid-19.
