Screengrab: GMA News
SA mababaw na libingan natagpuan ng pamilya ang bangkay ng 24-anyos hazing victim na 10 araw nang nawawala.
Sa Imus, Cavite doon na natunton ang biktimang si John Matthew Salilig, chemical engineering student ng Adamson University. Higit isang linggo na nang huli siyang makitang buhay, ayon sa kanyang kapamilya.
Ayon sa report, nasa 15 kasama nito sa Tau Gamma Phi fraternity ang inimbitahan ng pulisya upang managot sa pagkamatay ni Salilig.
Sinabi ng Biñan police na ang mga suspect na ang nagturo kung saan inilibing ang biktima.
Sumailalim umano ang biktima sa ‘welcoming rites’ ng Tau Gamma Phi chapter sa unibersidad noong hapon ng February 19. Miyembro na ang biktima sa chapter sa Zamboanga.
Ayon sa mga kasama nito, hindi na umano maganda ang kondisyon ng biktima sa kalagitnaan ng rites at nang pabalik na ang mga ito sa Maynila ay namatay na ang biktima.
Sa halip dalhin sa ospital, nagdesisyon ang mga ito na ilibing na lamang ang biktima.
“’Yun ang masakit sa ‘min kasi sana baka naagapan pa ‘yung kapatid namin… Kung ayaw nila tumanggap ng responsibility o iniwan na lang nila doon and then let it be, ‘yung hospital na kumontak sa amin,” ayon sa kapatid ni Salilig na si John Michael, na isa ring miyembro ng Tau Gamma Phi.
