Bilang panimula, tatlong pasyente sa Barangay San Pedro ang sinadya ng MHO team para sa libreng serbisyong medikal — pagsusuri ng “vital signs,” libreng laboratory exam, pagrereseta at pagbibigay ng libreng gamot.
SA bayan ng Angono, hindi na kailangan pa magtungo ng mga senior citizens magtungo sa pagamutan para sa serbisyong pangkalusugan ng lokal na pamahalaan.
Sa isang kalatas, ibinida ni Angono Mayor Gerardo Calderon ang bagong estratehiya ng Municipal Health Office (MHO) — ang pagbisita sa bahay ng mga residenteng edad 60 pataas sa ilalim ng tinaguriang Doc-To-Door Program.
Bilang panimula, tatlong pasyente sa Barangay San Pedro ang sinadya ng MHO team para sa libreng serbisyong medikal — pagsusuri ng “vital signs,” libreng laboratory exam, pagrereseta at pagbibigay ng libreng gamot.
Ayon kay Calderon, layon ng lokal na pamahalaan ipagpatuloy ang programa sa iba’t ibang barangay na nasasakupan ng baybaying munisipalidad sa lalawigan ng Rizal.
Gayunpaman, nilinaw ng alkalde na limitado muna ang programa sa mga pasyenteng nakakaranas ng limitasyon sa paggalaw.
“Mandato ng pamahalaan tiyakin ang dekalidad na serbisyong medikal para sa lahat. Hindi na dapat pang pahirapan ang mga nakaratay sa banig ng karamdaman, mga matandang hirap na maglakad sa anumang dahilan,” sambit ni Calderon.
Panawagan ng punongbayan sa mga kaanak ng mga pasyente, makipag-ugnayan, magpatala sa Barangay Health Centers na katuwang ng lokal na pamahalaan para sa naturang programa, at makipag-ugnayan sa Angono Public Information Office Facebook page.
“Sa bawat pagkatok ng Angono MHO Team, hatid natin ang ginhawa, pag-asa, at mas mabuting kalusugan sa bawat kabahayan… huwag palampasin ang pagkakataong makatanggap ng serbisyong medical sa inyong tahanan. Mag-enroll na sa Doc-to-Door Program,” pagtatapos ni Calderon.
