MAGHUNOS-DILI sana ang LTO.
Ito ang pahayagni Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph G. Recto sa mga lumabas na reaksiyon ng Land Transportation Office (LTO) hinggil sa pagmulta sa mga may-ari ng sasakyan na hindi pa kinukuha ang plaka sa kanilang tanggapan.
“Kay tagal hinintay ng mga motorista ang matagal ng bayad at pinakaaasam na mga plaka. Kaya konsidersyon ang dapat isukli at hindi ang pananakot na kung hindi agad makuha, may parusa na dagdag singil na naghihintay,” sabi ni Recto.
“Kung hindi nainip ang mga motorista sa mahabang lamay, bakit mag-de-demand ng ora-oradang pagtubos ang LTO na tila ba wala silang kasalanan sa pagkakaburo ng mga plaka? Biro nga, maraming sasakyang higit isang dekada na ang tanda, butas na ang pagkakabitan ng plaka, pero ang plaka ay wala pa. Marami ring naibenta na,” dagdag pa ni Recto.
Ayon pa sa mambabatas na kung tutuusin, LTO ang dapat magbigay ng interes bilang danyos perwisyo sa pagkabimbin ng isang mahalagang katibayan ng pag-a-ari ng isang behikulo.
