
INIHATID na sa kanyang huling hantungan ang Pinay house helper na si Jullibee Ranara na brutal na pinaslang ng anak ng kanyang amo sa Kuwait.
Bumuhos ang luha mula sa kanyang pamilya na hindi pa rin matanggap ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay na ang tanging pangarap ang mabigyan ng magandang bukas ang kanyang mga anak at buong pamilya.
“Buong buhay niya ay ang pagkakaroon ng magandag kinabukasan ang tanging hangad nya. Ang pangingibang bayan niya ang tanging paraan para matupad ito pero ito pa ang nangyari,” sabi ng ina ni Jullibee.
Nakilibing din si OWWA Administrator Arnell Ignacio na nangako na hindi nila pahihintulutan na mapunta lang sa wala ang sinimulan nila.
“Lahat ng paraang legal at pinansiyal ay ipinangako naming ibigay sa pamilya ni Jullibee. Makikipagtulungan kami sa lahat ng ahensiya upang makamit ang hustisya sa ating kababayan” sabi ni Ignacio.
Ang bangkay ni Jullibee ay inabandona sa isang disyerto sa Kuwait. Sinunog ito, pinalo ng matigas na bagay at sinagasaan pa ng 17-anyos na anak ng kanyang amo. Sinasabing buntis ang biktima at pinagsasamantalahan ng anak ng amo.
Inaresto na ang 17-anyos at ngayon at nakapiit sa kanilang bansa.