
INARESTO ang batikang kolumnista at dating special envoy Ramon Tulfo bunsod ng kasong cyberlibel na inihain ni dating Justice secretary at ngayo’y National Police Commission (Napolcom) Vice Chairman Vitaliano Aguirre II.
Sa paunang ulat ng pulisya, dakong alas 10:30 Miyerkoles ng umaga nang ihain kay Tulfo ng mga operatiba ng Manila Police District – Special Mayor’s Reaction Team (SMART) ang bench warrant na nilagdaan ni Presiding Judge Maria Victoria Soriano ng Manila Regional Trial Court Branch 24.
Nag-ugat ang asunto nang birahin umano ni Tulfo sa kanyang pitak sa Philippine Daily Inquirer ang noo’y kalihim ng Department of Justice na si Aguirre.
Sa nasabing artikulo sa pahayagan, hayagang isinangkot ni Tulfo si Aguirre sa isang bulilyasong kinasasangkutan ng bilyonaryong casino mogul na si Jack Lam.
Ang arestadong kolumnista ay ang nakatatandang kapatid nina senatorial race frontrunner Raffy Tulfo, Erwin at Ben na kapwa beterano sa larangan ng pamamahayag.
Kwento ng mga nakasaksi sa aktuwal na pag-aresto sa kolumnista, dinampot ang 75-anyos na si Tulfo sa loob ng Manila City Hall compound.
Sa kabila ng pagkakadakip, pansamantalang makakalaya si Tulfo sa sandaling maglagak ng P60,000 na piyansa sa husgado.