
HANDA na ang higanteng kumpanyang nagmamay-ari sa Petron na ibenta na lamang ulit sa gobyerno nang walang patong o tubo bilang tugon sa panawagan ng mga militanteng kongresista.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means kaugnay ng panukalang suspendihin ang excise and value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, hayagang sinabi ni San Miguel Corporation chairman Ramon Ang na payag din aniya siyang ipautang ang kumpanya sa kundisyong babayaran ito sa loob ng limang taon.
“Anytime po puwede kong ipautang sa Philippine government, over five years to pay. Ano ho yan, I swear, kung gusto ng gobyerno na bilhin. Ihanda nyo na, sabihin nyo na at ibebenta ko kaagad sa inyo. Gawan nyo na ng valuation immediately, walang arte-arte,” ani Ang.
Ayon kay Ang, hindi malaking kawalan sa kanila ang Petron, kasabay ng pagtangging nakajackpot sila nang bilhin ang nasabing kumpanyang dating pagmamay-ari ng pamahalaan. Katunayan aniya, nito lamang nakaraang taon, pumalo sa P18 bilyon ang naitala nilang pagkalugi ng nasabing kumpanya (Petron).
“Last year we lost P18 billion, you can check that in Petron so hindi kami nagkunwari-kunwari dito. Ngayon, kung sa tingin nyo jackpot ang negosyong ito, let the government do it. At the market valuation lang, hindi ko kailangan tubuan ang gobyerno,” dagdag pa nito.
Kaugnay ng pagdinig, bumuo na rin ang komite ng Technical Working Group (TWG) para pag-aralan ang pagsuspendi sa excise tax at VAT sa mga produktong petrolyo sa loob ng anim na buwan o hangga’t hindi bumababa ang presyo ng krudo sa world market.
“The proposal will completely suspend excise taxes on diesel (P6/ liter) and kerosene (P5/ liter) from December 1, 2021 to June 1, 2022, while reducing excise taxes on gasoline by as much as P3/ liter,” ani Albay Rep. Joey Salceda na tumatayong chairman ng nasabing komite. Sabayan ding inatasan din ng komite ang Department of Finance (DOF), Department of Energy (DOE) at Bureau of Custom (BOC) na paigtingin ang kanilang anti-smuggling effort sa langis.
“During periods of high prices, the incentive to smuggle also increases. That is why I would like the Bureau of Customs and the DOF to update me on its fuel enforcement measures. Earlier this year, we agreed that we will create a Task Force Paihi to combat fuel smuggling in our ports. I would like updates on that,” dagdag pa ni Salceda.