IKINATUWA ni OFW Party List Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang pagkakatanggap ng kanilang labor claims ang 1,104 Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos ang higit sa 10 taon na paghihintay.
“Nagpapasalamat tayo sa mga opisyal ng ating mga ahensya sa pagkilos upang maisakatuparan ito, lalo kay Presidente Marcos, na masugid na nagbantay upang tuparin ng Saudi Arabia ang kanilang pangako na aayusin ang problema sa back pay ng ating OFWs. Kanyang direktang ipinanawagan ang pagresolba sa hindi pa nabayarang sweldo ng 10,000 OFWs sa bilateral meeting sa Riyadh noong nakaraang taon,” sabi ni Magsino sa kalatas.
Sinabi ni Magsino na simula pa lamang ito ng proseso at marami pang OFWs ang naghihintay pa rin na sila ay mabayaran.
“Karamihan sa kanila ay simula noong 2015-2016 pa naghihintay para kanilang sahod matapos magsara ang kanilang mga kumpanya at ideklara ang bankruptcy,” ayon pa kay Magsino.
Ang hakbang ay bunsod na rin umano ng paninindigan at katapatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Tayo’y panatag na pagsusumikapan ng ating pamahalaan na maging good news na ang pagbigay ng claims para sa lahat ng naapektuhang OFWs sa lalong madaling panahon,” sabi pa ni Magsino.
