

SA lahat ng mga tumatakbo sa pagkapangulo para sa eleksyon sa susunod na taon ay tanging si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao lamang ang pinagkakaguluhan ng mga tao.
Sa aking pagkakaalam, kusang-loob na puntahan, harapin at lapitan ng mga pangkaraniwang tao si Pacquiao kahit saan siya pumunta.
Pokaragat na ‘yan!
Walang panama ang mga pulitikong sina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Senador Panfilo “Ping” Lacson at Bise-Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo.
Hindi ko muna isinama sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil wala pa akong nababalitaang nag-ikot at nangampanya na ang dalawang ito.
Si Dela Rosa ay nag-aabang pa sa “pinal na desisyon” ni Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio tungkol sa posibleng pagpalit nito sa senador sa pagtakbo sa pagkapangulo.
Hanggang Nobyembre 15 ang itinakda ng Commission on Elections (Comelec) na huling araw ng palitan ng mga kandidato alinsunod sa batas na umiiral sa bansa kaugnay sa halalan.
Pagiging alkalde pa rin ng Lungsod ng Davao ang inihaing kandidatura ni Carpio sa halalang nakatakda sa Mayo 2022. Ang balita ko naman kay Marcos Jr. o BBM ay abala ito sa pangungumbinsi kay Duterte na tumakbong pangalawang pangulo nito, paghahanap ng mga tatakbong senador sa kanyang tiket at pangungumbinsi sa maraming pulitiko na suportahan ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng bansa.
Kahit si Pacquiao lamang ang dinudumog ng mga pagkaraniwang tao, hindi nangangahulugang sabik na sabik silang makita, makatabi, makamayan at mayakap, kundi dahil namimigay ng pera ang retiradong boksingero. Nakikipagsiksiksikan ang mga tao kahit ipinagbabawal ito ng batas sa panahong umaatake pa ang coronavirus disease – 2019 (COVID – 19), sapagkat namimigay ng salapi si Pacquiao sa mga ordinaryong tao.
Hindi nakagugulat ang pakikipagsisikan ng mga tao kahit ulitin nang ulitin ng mga tagapagsalita ng Malakanyang at Department of Health (DOH) na bawal ang walang distansiya sa bawat isa dahil pera ang pinag-uusapan.
Sa sobrang hirap ng buhay, sa sobrang hirap kumita ng pera, sa tindi ng kawalan ng trabaho at pananatili ng napakababang sahod sa kasalukuyang panahon ay hindi mapipigilan ang mga ordinaryong tao na huwag makakuha ng pera mula kay Pacquiao o sinumang pulitiko.
Hindi itinanggi ng senador ang pamimigay niya ng salapi.
Subalit, “tulong” ang tawag niya sa ginagawa niyang pamimigay ng P1,000 kada tao.
Tulong sa panahong nag-iikot siya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tulong sa panahong nangangampanya siya upang manalong pangulo ng bansa sa halalang Mayo 2022.
Hindi ito pamimili ng boto. Hindi matatawag na “vote-buying” dahil tulong nga!
Sa kanyang panayam sa midya, idiniin ni Pacquiao na matagal na siyang tumutulong sa mga pangkaraniwang tao. Matagal na siyang namimigay ng salapi sa mga mahihirap na tao. At inilinaw ng senador na sariling pera niya ang kanyang ipinamimigay.
Hindi raw tulad ng ibang pulitiko na galing sa korapsyon ang itinutulong sa mamamayan.
Totoo ang sinasabing ito ni Pacquiao na perang pinaghirapan sa pangungurakot ang ipinamimigay na pera at materyal na tulong sa mamamayan ng mga pulitiko. Katunayan, napakaraming ganyang pulitiko.
Ayon sa tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) na si James Jimenez, hindi labag sa batas-eleksyon ang pamumudmod ni Pacquiao ng pera, sapagkat hindi pa panahon ng kampanya ngayon.
Ani Jimenez, pinapayagan ng batas ang ginagawa ni Pacquiao sa piryud ng “pre-campaigning”.
Kaya, walang linalabag na batas si Pacquiao hinggil sa halalan. Nangako naman si Paquiao na ihihinto niya ang pamimigay ng pera kapag magsimula na ang kampanya sa Enero na siyang itinakda ng Comelec.
Kung gano’n, Senador Manny Pacquiao tulungan mo naman ang mga taong katulad ko na malaki ang gastos bawat buwan sa pagpapablood test, pagpapatingin sa doktor sa diabetes at kidney at napakaraming binibiling mga gamot upang gumaling.
Tulungan mo rin Ginoong Senador ang mga kamag-anak kong salat sa buhay habang hindi pa nagsisimula ang kampanya upang maambunan ng iyong tulong.