
UMAABOT sa 300 toneladang imported na sibuyas at bawang ang nakumpisaka ng magkakasanib na puwersa ng mga ahente ng Criminal Investigation Division Group (CIDG) at Bureau of Customs (BOC) matapos salakayin ang cold storage sa iba’t ibang lugar sa Maynila at Malabon pasado hatinggabi ng Pebrero 17.
Armado ng Letters of Authority (LOA) mula sa BOC, sinalakay ng CIDG sa pangungna ng Anti-Transnational Crimes Unit (ATCU) ang mga cold storage sa Tondo, Binondo sa Manila at Malabon City na sinasabing sangkot sa illegal na importasyon at hoarding ng agri-products.
“We have received reports on the rampant illegal importation and smuggling of agri-products as well as the hoarding of locally produced onions and cloves of garlic in areas of Manila and Malabon. And with the LOA issued by Commissioner Bienvenido Rubio, we set our plan and implement our operation against the owners of these warehouses or storage facilities,” sabi ni PBGen Romeo Caramat Jr, CIDG Director.
Nabatid na nasa 40 hanggang 50 toneladang imported na agri-products na nagkakahalaga ng P40 million ang nakatago sa 23 warehouse sa Maynila habang nasa 250 tonelada naman na nagkakahalaga ng P95 million ang nakaimbak sa warehouse sa Malabon.
“Mas malalim pang imbestigasyon ang aming isinasagawa sa ngayon para sa pagkakakilanlan ng mga taong nasa likod ng patuloy na sumasasbotahe sa ating ekonomiya upang masampahan sila ng karampatang reklamo,” ayon pa kay Caramat.