
DALAWANG opisyal ng Tau Gamma Phi Fraternity ang sumuko sa awtoridad kaugnay sa pagkamatay ng isang 18-anyos na estudyante dahil umano sa hazing sa Kalayaan,Laguna noong Linggo.
Dead on arrival sa pagamutan ng General Cailles Hospital ang biktimang si Reymarc Rabutazo ng Brgy. Longos, Kalayaan ng naturang bayan.
Kinilala ni Kalayaan police chief Lt. Erico Bestid ang mga sumuko na sina Venzon Benedict Lacaocao, alias “Venz,” 19, waiter at Rey Vince Espaldon alias “Binsot,” 19, na 1st year Criminology student.
Dinala sa pulisya si Licaocao ng kanyang nakatatandang kapatid na si Veelly Jhames Cabanmalan, habang si Espaldon naman ay naaresto sa isinagawang follow-up operation sa Bgy. Longos, Kalayaan, Laguna.
Ayon sa awtoridad, sina Lacaocao at Espaldon ay mga opisyal ng Tau Gamma Phi Fraternity Longos Kalayaan Chapter.
Mahaharap ang mga ito sa kasong homicide at paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018,ayon pa kay Bestid.
Pinaghahanap na rin ng mga awtoridad ang mga miyembro ng frat na sina Kevin Perez, Kirby Galero, Paulo Lacaocao, Leo Sandro Duco, alias “Papo,” Wilson Maestrado, Johndel Ponce, at Kris Jairo Cabiscueles.
Base sa inisyal na ulat, naireport na nalunod umano ang biktima sa Twin Falls sa Bgy. San Juan, Kalayaan ngunit nang magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya, nagtamo ito ng mga pasa sa katawan dulot ng hazing na ikinamatay ng biktima.