
BUKAMBIBIG na naman ng mga kandidato sa pagkapangulo sa magaganap na eleksyon ang pagsugpo sa korapsyon upang makakumbinsi ng suporta at boto sa mga botante.
Wala silang pinag-iba kay dating Davao City mayor Rodrigo Duterte noong halalang 2016.
Sa pagtakbo ni Duterte sa pagkapresidente ng bansa, paglaban at pagsugpo rin sa katiwalian at korapsyon ang ibinalandra niya dahil talamak ang nasabing mga problema sa administrasyon ni pangulong Benigno Aquino.
Ganoon din noong nangangampanya pa sa pagkapangulo si Aquino noong halalang 2010, kontra-korapsyon ang kanyang adyenda.
Subalit, parehong pumalpak ang dalawang pangulo.
Sa kasalukuyan, lalong lumala ang korapsyon sa pamahalaan.
Ngayong eleksyon, muling ipinangako na naman ng mga kandidato sa pagkapangulo ang paglaban at pagsugpo sa korapsyon.
Bukambibig na naman ang korapsyon, subalit habang sila ang nakaupo sa puwesto ay hindi naman nila napigilan ang korapsyon.
Ang Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigration (BI) nga na hinambalos nila ang talamak na korapsyon ay ‘di natuldukan ang nasabing problema. Hanggang ngayon, napakatalamak ng korapsyon sa BOC at BI.
Pinangalanan na ng mga senador ang mga tiwali at korap sa BOC at BI, ngunit hindi natigil ang korapsyon sa dalawang ahensiya.
Pansinin sa mga sarbey, hindi umaangat ang iskor ng mga kandidatong kontra-korapsyon.
Si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang pahayag , walang binabanggit at hindi nangako sa mga botante na lalabanan niya ang katiwalian at korapsyon bilang isa sa mga hakbang tungo sa pag-ahon ng bayan ay palaging nangunguna sa sarbey.
Kahit muling naungkat ang nakaw na yaman at hindi binayarang estate tax ng pamilya Marcos na umaabot umano sa P325 bilyon ay hindi ito naging dahilan upang balewalain si Marcos Jr. ng mga “respondent” sa sarbey.
Masama ang kahulugan na balewala na sa mga Pilipino ang isyu ng korapsyon dahil nagpapakitang hindi malaking problema sa kanila ang korapsyon.
Hindi masisisi ang mamamayan dahil kahit nga nasangkot sa kasong mandarambong ay naging nanalong senador.
Ang senador na ipinatanggal ng Office of the Ombudsman (OMB) dahil sa korapsyon ay nanatiling senador.
Ang mga pulitikong hindi pa absuwelto sa mga kasong pandarambong ay tumatakbong senador na posibleng manalo sa eleksyon.
Iyan ang resulta ng hindi tapat at totoong paglaban at pagsugpo sa korapsyon.
Naniniwala ang maraming Pilipino na bukambibig lamang ng mga kandidato ang posisyong kontra-korapsyon dahil sa eleksyon.
