
WALANG dudang malaki ang problemang kinakaharap ng bansang Pilipinas sa ngayon kabilang ang mga usapin sa garapalang pananakop ng China sa West Philippine Sea, illegal POGO, kalakalan ng droga, human trafficking, agri-smuggling, at marami pang iba. Mismong si former president Rodrigo Duterte aminadong malapit sa kanyang puso ang lider ng China na si Xi Jinping.
Katunayan minsan na niyang sinabi sa isang pulong-balitaan sa Davao kung gaano kagaan ang kanyang loob sa lider ng China — “I just simply love Xi Jinping. He understands my problem and he is willing to help.”
Sa tuwing lilitaw sa telebisyon, hayagan din ang kanyang pagtatanggol sa China sa usapin ng West Philippine Sea sa kabila pa ng malinaw na motibo ng lider ng naturang bansa.
Sa panahon ng kanyang administrasyon, marami ang nagduda sa pakikipag-alyansa ni Duterte sa People’s Republic of China kung saan umiiral ang komunismo habang pinupulbos naman niya ang Communist Party of the Philippines.
Maging sa madugong giyera kontra droga ni Duterte, China pa rin ang nakinabang.
Sino ba naman ang makalilimot kay Michael Yang na ‘di umano’y miyembro ng Chinese mafia.
Ang masaklap, itinalaga pa niya sa Palasyo bilang President Economic Adviser.
Ang kampanya laban sa kalakalan ng droga, peke rin.
Ang pangakong supilin ang droga sa loob ng anim na buwan, pasakalye lang pala para masolo ng China ang ilegal na negosyo sukdulang paslangin ang hindi bababa sa 30,000 Pilipino – kasama ang mga bata, kababaihan at mga inosenteng sibilyan.
Saan ka ba naman kasi nakakita ng Pangulong galit sa mga pipitsuging tulak pero lab na lab naman ang mga nagpupuslit ng tone-toneladang droga mula sa China papasok sa ating bansa?
Only in the Philippines.
Pati ang mga miyembro ng pamilya, dawit din sa kalakalan ng droga, batay sa pagtatapat nni dating Customs Intelligence Officer Jimmy Guban na sinasabing nakatimbog sa P6.3-bilyong halaga ng kontrabando.
Damay pa pati ang dalawang ‘di umano’y peryodistang malapit kay Duterte.
Balik tayo sa usapin ng West Philippine Sea. Sa bibig mismo ni Duterte nagmula ang mga katagang “basura lang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration” kung saan wagi ang Pilipinas sa kaso kontra China kaugnay ng West Philippine Sea.
Kasi nga close sila ni Xi Jinping. Sa sobrang pagmamahal ni Duterte sa lider ng bansang komunista, muntik pa nga tayo gawing probinsya ng China! Hay naku… ang sarap maging BFF ni Duterte.
Droga lang ang katapat, lahat ng meron tayo ilalahad.
Ang tanong: BFF din ba ang turing sa kanya ni Xi Jinping? Baka hindi siya saklolohan pag dumating ang mandamiento de arresto mula sa ICC.
