
ILANG buwan ang nakalipas, mataas ang iskor ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa sarbey ng mga tumatakbong pangulo. Katunayan, magkadikit silang dalawa ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ikalawang puwesto. Ngunit, nitong Nobyembre ay malaki ang nabawas sa iskor ni Moreno sa mga sarbey.
Lalong dumausdos ang puntos niya ngayong Disyembre.
Dinaig na siya ni Bise-Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo dahil pumangalawa na ito sa sarbey.
Tuwang-tuwa naman ang kampo ni Robredo, lalo na si Robredo mismo.
Kaya, siguradong nag-isip ng taktika ang campaign team ni Moreno na pinamumunuan ni Lito Banayo.
Siyempre, hindi natin alam ang mga napagkaisahan nilang taktika.
Pero, naging malaking balita ang pahayag ni Moreno na iboboto niyang senador si Pangulong Rodrigo Duterte. Kaso, umatras si Duterte kinalaunan sa kanyang pagtakbo sa pagkasenador. Naging balita rin na susuportahan daw ni Duterte ang kandidatura ni Moreno dahil natakot na si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa pagtakbo sa pagkapresidente.
Hanggang ngayon ay walang inilalabas na pahayag si Duterte tungkol dito.
Ngunit, hindi pa rin ‘namamatay’ ang isyu tungkol sa biglaang pagiging mabait ni Moreno kay Duterte. Nakadidismaya ang hakbang ni Moreno sa kanyang paghanga at pagbuntot kay Digong, samantalang mistulang minaliit noon ng pangulo ang pagiging artista ng alkalde dahil sa lumang litratong naka-brief lamang ito.
Ang pagdikit ni Moreno kay Duterte ay desperadong hakbang upang madagdagan an ang kanyang suporta.
Hindi pa nagsisimula ang opisyal na kampanya na itinakda ng Commission on Elections (Comelec), ngunit gumagamit na si Moreno ng taktika ng talunang kandidato. Maling humingi, manlimos at umasa ng bendisyon at suporta kay Duterte sapagkat patuloy na humihina ang base ng suporta ni Duterte.
Numero ang nagsasalita at nagpapatunay na malaki na ang nabawas na tubig sa balon ni Duterte.
Numero rin mismo ang basehan ng pananaw na napakaraming Pilipino ang nawalan ng paghanga sa kanya.
Kahit nga mga pulitiko ay hindi na nakumbinsi ni Duterte na suportahan ang kandidatura ni Bong Go sa pagkapangulo. Kaya, huwag nang ituloy ni Moreno ang desperadong taktika niya dahil mistula siyang nag-aantay ng instrumento na ipanghuhukay sa paglilibingan ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng bansa. Malayo pa naman ang eleksyon.
Kaya, napakahaba ng panahon upang baguhin ni Moreno ang kanyang mga taktika at pananaw para sa kanyang ikabubuti.
Positibong hakbang kung huwag pakikinggan ni Moreno si Banayo dahil wala naman itong ipinanalong kandidato sa pagkapangulo ng bansa.
