KAPWA trapo (traditional politician) ang tingin ng mga Pilipino sa dalawang pinaka prominenteng aspirante sa posisyon ng Pangulo para sa nalalapit na May 2022 general elections, batay sa resulta ng isang survey na lumabas nito lamang Disyembre 14.
Ayon sa survey na pinangasiwaan ng mobile app company na Tangere Community na pinamumunuan ng isang Martin Xavier Peñaflor bilang chief executive officer (CEO), 40% ng mga respondents ang mas nanaisin na lamang lisanin ang bansa kasama ang pamilya sa hangarin matamasa ang mas mainam na pamumuhay – bagay na ayon sa kanila ay hindi makakamit kung trapo ang mahahalal bilang Pangulo.
Pangamba naman ng 30% ng mga respondents, hindi kakayanin nina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Leni Robredo ang hamon pagpapaunlad ng ekonomiyang nasadlak bunsod na rin ng pandemya. Ang dahilan – pareho lang anila silang trapo.
“Though majority believes that Leni and Marcos are different leaders despite them coming from traditional political families, a huge chunk of the population thinks they are no different,” ayon sa demographics ng Tangere na ipinrisinta sa isang virtual press conference.
Lumalabas din sa nasabing online survey na isinagawa nito lamang Disyembre 13 at nilahukan ng tinatayang isang milyong netizens mula sa apat na age bracket – 18 hanggang 25-anyos, 26 hanggang 35, 36 hanggang 50 at 51 taong gulang pataas, laglag na sa ikatlong pwesto si Robredo makaraang maungusan ni Manila Mayor Isko Moreno.
Maliban sa NCR at Bicolandia na kilalang balwarte nina Moreno at Robredo, malaking bahagi din ng naturang pulso ng mamamayan ang kumbinsidong magsing-tatag ang dating senador at ang namayapang amang dating pangulong Ferdinand Marcos.
Pagtitiyak ni Peñaflor, malawak ang saklaw ng sentimyento ng mga respondents na mula sa National Capital Region, North-Central Luzon, South Luzon-Bicolandia, Visayas at Mindanao.
