PUWERSAHAN umanong ginawang scammer sa Thailand ang isang Pinay worker ng kanyang Chinese employer.
Ang masaklap pa, binubugbog at ikinukulong siya ng malupit na amo.
Si alias Irma, ay nagtatrabaho bilang online casino agent, kasama ang kanyang partner sa Thailand.
Ayon sa kapatid ng biktima, maayos ang kita at trabaho nito sa Thailand kahit pa tourist visa lamang ang gamit nito sa pagtatrabaho.
Gayunman, nagsimula umano ang pananakit sa kanya nang mailipat siya sa ibang lugar sa Thailand kung saan ikinukulong siya ng Chinese na amo sa gusali at puwersahang ginawang scammer para kumita.
Sinabi ng biktima sa kanyang kapatid na pinapili siya ng amo na magtrabaho bilang scammer o bayaran ang lahat ng utang nito sa Chinese na amo.
Sinabi ng Chinese employer na may utang ng biktima ng mula P100,000 hanggang P1 milyon bago siya payagang umalis.
Idinulog ng GMA Integrated News ang kaso ng biktima sa Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na inilipat na nila ang kaso ng biktima sa Philippine Embassy in Thailand.
“This is the first time that we’re handling cases in Thailand itself, because usually, Thailand is just a hub. Darating sa Thailand, tapos ililipat sa ibang lugar,” sabi De Vega.
Umaabot na sa ilang daang Pinoy ang na-recruit at pinagtrabaho bilang scammer sa ilang lugar sa Southeast Asian countries.
