NANAWAGAN si OFW Party List Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino sa mga ahensiya ng gobyerno, higit ang pamunuan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na agarang alamin ang kalagayan ng mga kababayang apektado ng lindol sa Taiwan, Miyerkoles ng umaga.
Sinabi ni Magsino na lubos siyang nababahala sa kalagayan ng mga Overseas Filipinos (OFs) at Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng 7.2 magnitude na lindol.
“Dapat siguruhing mayroong temporary shelter at basic needs ang mga kababayang lubos na naapektuhan ng lindol, at magkaroon ng masusing koordinasyon sa Taiwan authorities para sa relief, rescue, at evacuation operations,” sabi ni Magsino.
Handa rin ang OFW Party List na magbigay ng tulong sa mga kababayan sa Taiwan, maging sa mga kapamilya nila dito sa bansa na nababalot ng pagkabahala.
“Patuloy din kaming mananalangin na ang bawat Pilipino sa Taiwan ay ligtas at nasa maayos na kalagayan ngayon,” ayon pa kay Magsino.
