NAGPAHAYAG ng pagpapasalamat si OFW Partylist Rep. Marissa ‘Del Mar’ sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa legal team na nag-asikaso sa kaso ng nasawing Overseas Filipino Worker na si Jullebee Ranara.
“Batid natin ang limitasyon ng batas ng Kuwait sa paghatol sa mga menor-de-edad kaya’t ang pinataw na 16-year prison sentence ay masasabing tagumpay na sa mata ng batas.”
“Subalit ramdam natin ang pagkadismaya ng pamilyang Ranara dahil ito’y hindi sapat na parusa sa brutal na pagpatay kay Jullebee at sa pagdadalamhati ng kanilang pamilya,” ayon pa kay Magsino.
Hiniling din ni Magsino na sana ay patuloy nilang tulungan ang pamilya ni Ranara hanggang sa pagbigay ng danyos sa mga ito.
“Sana kahit paano’y maisagad natin ang lahat ng parusang nasa batas ng Kuwait upang makuha ang hustisya,” sabi pa ni Magsino.
Sa kanilang panig, ikinagalak naman ng DMW ang pagkapit ng State of Kuwait Appeal Court sa hatol na murder sa pumaslang kay Ranara, gayundin sa hatol na 16 taon na pagkakabilanggo sa pumaslang.
Sinentensiyahan ng Appeal Court ang akusado ng isang taon na pagkakakulong sa pagmamaneho ng walang lisensiya at 15 kulong sa kasong murder.
Nangako rin ang DMW ng patuloy na tulong sa pamilya tulad ng pangako ng ahensiya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
