
Ang bangkay ng biktima matapos saksakin ng nagselos na mister.
PATAY sa pananaksak ang 39-anyos na ginang sa sariling kamay ng kanyang asawa nito lamang Linggo, Enero 8 sa isang inn sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa imbestigasyon ng Mangaldan PNP, agad na binawian ng buhay ang biktima sa tinamong dalawang saksak sa dibdib at isang saksak malapit sa bandang kili-kili.
‘Third party’ umano ang naging motibo ng biktima sa pananaksak, bagay na itinatanggi at pinapabulaanan ng mga kaanak ng bitkima.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas “Pia”, OFW at residente ng Barangay Poblacion, Sual, Pangasinan, habang pangunahing suspek sa krimen ang asawa nitong si alyas “Erik”, 41-anyos, drayber at security guard sa isang planta sa Sual.
Ayon sa testimonya ng ilan sa mga kawani ng hotel, bandang 7:45 ng umaga noong Linggo nang mag-check in ang mag-asawa. Mag-aalas onse naman ng tanghali nang mapansin ng isa sa mga hotel attendants ang paglabas ng duguang suspek, dahilan para dali-dali nilang puntahan ang kuwarto ng mag-asawa.
Pagbukas ng pinto ay bumulaga sa mga ito ang bangkay ng duguang biktima na nakatihaya sa ilalim ng kama.
Agaran namang rumesponde ang Mangaldan Police Station sa pangunguna ni PLTCOL. Benjamin E. Zarate Jr., OIC Chief of Police kasama ang Municipal Heath Office (MHO) upang magsagawa ng imbestigasyon at marekober sa crime scene ang bangkay ng biktima para sa post mortem examination.
Kusa namang sumuko sa pulisya ang suspek.
Haharap sa kasong parricide ang suspek sakaling mapatunayang responsable sa pagkamatay ng asawa.
Nagbigay-payo ang Mangaldan PNP sa pamumuno ni PLTCOL. Zarate, Jr. na sumangguni sa mga eksperto o sumailalim sa counseling sakaling makaranas ng problemang maaaring makaapekto sa mental health.
Maaari ring dumulog sa iba’t ibang sangay ng pamahaalan at ng pulisya upang maayos na magabayan.
Mangaldan PIO